Huwebes, Setyembre 4, 2014


Hermogenes Ilagan

Si Hermogenes Ilagan (1873-1943) ang tinatawag na Ama ng Sarsuwelang Tagalog o Ang Dulaang Tagalog sa bansa.

Isinilang si Hermogenes Ilagan sa Bigaa (Balagtas), Bulacan. Nag-aral siya sa Ateneo de Manila. Natuto siya ng musika sa kanyang ama na si Simplicio Ilagan, may-ari ng isang banda ng musiko. 

Biniyayaan ng magandang boses na tenor, si G. Ilagan ay naging tiple at naging pangunahing mang-aawit ng koro ng simbahan ng Bigaa.

Siya ang nagpasimula ng produksyon ng mga sarsuwela sa bansa. Inilaan niya ang kanyang 40 taon para rito, at naging matagumpay naman ang tanghalang Pilipino.

Noong 1902, bumuo si Ilagan nang isang tanghalan ng sarsuwela na tinawag na Compania Lirico-Dramatica Tagala de Gatchalian y Ilagan, na kinalaunan ay pinaiksi ang pangalan sa Compania Ilagan o Samahang Ilagan, na nagtanghal ng mga sarsuela sa iba't ibang lalawigan ng Luzon tulad ng Laguna, Bulacan, Nueva Ecija at Tayabas (ngayon ay Quezon).

Mga sariling akda ni Ilagan ang itinanghal ng samahan gaya ng Dalawang Hangal, Biyaya ng Pag-ibig, Despues de Dios, El Dinero, Dalagang Bukid at iba pa. Malaki ang nagawa ni Ilagan upang ang sarsuela ay tanggapin ng madla at iwan ang panunood ng Mora-moro.

Karaniwang romantiko ang mga dula ni Ilagan tulad ng pinakapopular na Dalagang Bukid. Mayroon din siyang mga dulang pampolitika at mapang-uyam. Ang Lucha Electoral, Ilaw ng Katotohanan at Gobernador ay mga pampolitika samantalang ang Isang Uno Cera, Ang Buhay nga Naman ay mga mapang-uyam.


Siya ang ninuno ng mga Ilagan na kinikilala sa larangan ng radio, pelikula at telebisyon - sina Robert Arevalo, Jay Ilagan, Liberty Ilagan at ang noo'y sumikat na si Eddie Lat Ilagan.

Ilang mga Gawa:

Ang Buhay nga Naman
Ang Buwan ng Oktubre
Bill de Divorcio
Dahil kay Ina
Dalagang Bukid
Dalawang Hangal
Despues de Dios
el Dinero
Ilaw ng Katotohanan
Kagalingan ng Bayan
Venus (Ang Operang Putol)
Wagas na Pag-ibig
Sangla ni Rita
Isang Uno't Cero
Centro Pericultura
Panarak ni Rosa
Lucha Electoral

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento